Ayon kay Presidential Spokesman Ignacio Bunye, si Sison kasama ang pitong iba pang miyembro ng CPP-NPA ay sinampahan na ng kasong 2 counts of murder at attempted murder ng PNP dahil sa pagpaslang kay Cagayan Rep. Rodolfo Aguinaldo at bodyguard nitong si PO2 Joey Garo noong Hunyo 12, 2001. Nasugatan naman ang isang Amelia Soriano.
Sinabi ni Bunye na pinag-aaralan na ng Department of Justice kung paano pababalikin si Joma dahil wala namang extradition treaty sa pagitan ng Pilipinas at Netherlands.
Tiwala ang pamahalaan na mismong Dutch govt na ang magpapatalsik kay Joma dahil malinaw umano na wanted si Joma dito sa Pilipinas hindi sa political crimes kundi dahil sa criminal acts.
Samantala, ikinagalak ng Palasyo ang paglilinaw ng National Democratic Front (NDF) na hindi pa nito tuluyang ibinabasura ang peace talks sa pamahalaan.
Ani Bunye, umaasa ang Malacañang na tuluyan nang manunumbalik ang usapang pangkapayapaan at mawakasan na ang insurgency sa bansa. (Ulat nina Lilia Tolentino/Ely Saludar/Gemma Amargo)