Gulay ng RP pakain na lang sa baboy

Pinababantayan ng ilang mambabatas ang patuloy na pagpasok sa bansa ng mga imported na prutas at gulay na nagiging dahilan upang ipakain na lamang sa baboy ang ilang lokal na gulay na inaani sa bansa.

Labis na ipinagtataka ni Ilocos Sur Rep. Salacnib Baterina ang patuloy na pag-angkat ng cauliflower sa ibang bansa samantalang sobra-sobra ito sa St. Catalina, llocos Sur.

Ang Sta. Catalina ang ikinokonsiderang "Salad Bowl" ng Ilocos Sur dahil sa dami ng iba’t ibang gulay.

Dahil sa dami ng cauliflower sa nasabing bayan ay hindi na halos ito mailuwas sa Maynila dahil sa mga imported cauliflower na ibinabagsak sa bansa.

Kinumpirma ni Baterina na kalimitang ipinapakain na lamang ang cauliflower sa mga baboy sa kanilang bayan.

Kaugnay nito, sinabi ni Rep. Junie Cua, vice chairman ng House committee on appropriations na dapat magpatupad ng limitasyon sa mga ini-import na gulay ang Department of Agriculture.

Sinabi rin nito na noong taong 2001ay nagbigay ng awtorisasyon ang DA na mag-import ng 4,800 metric tons ng cauliflower at karagdagang 4,200 noong 2002.

Ayon pa kay Cua, isa sa pinakamalaking importer ng gulay sa bansa ay ang Tucker Bag Inc. (Ulat ni Malou Escudero)

Show comments