Sa panayam kahapon kay dating senator Juan Ponce Enrile, kasalukuyang pangulo ng Phil. Constitutional Association (PHILCONSA), sinabi nito na ang pagiging pursigido ng mga kaalyado ng administrasyon na isulong sa Kongreso ang pag-aamyenda sa Saligang Batas para sa kanilang personal na interes ay bilang bahagi ng istratehiya na gawin ang lahat ng paraan upang hindi makatakbong presidential bet si FPJ.
"I think its part of their strategy, if FPJ will run they will pushed for charter change para pigilin ang kanyang kandidatura, masyado silang takot kay Fernando," wika ni Enrile.
Aniya, naghihinala rin ang oposisyon na isinusulong ang chacha para palawigin pa ang termino ni Pangulong Arroyo kung saan pagsapit ng 2004 ay isasagawa ang Oplan Noel (no elections) para sa kandidatong presidente, bise presidente at ang itutuloy ay ang para sa mga senador, kongresista at iba pang lokal na posisyon.
Sinabi pa ni Enrile na alinman kina Senador Panfilo Lacson, Sen. Edgardo Angara at FPJ ang itinuturing na mahigpit na pinagpipilian ng Partido ng Masang Pilipino (PMP) para gawing pambato laban sa kandidato ng administrasyon.
Sina Lacson, Angara at FPJ ang tatlong malalakas na kandidato na ikinokonsidera para pagpilian ng oposisyon kung saan sa itatakdang pagpupulong sa mga susunod na buwan ng kanilang partido ay pipili na sila ng isa sa mga ito.
Naniniwala si Enrile na sinumang iindorso sa kanila ay siguradong malakas ang magiging hatak sa masa at malaki ang tsansa na magwagi sa halalan.
Bagaman sinabi ni Pangulong Arroyo na hindi na ito tatakbo sa 2004 elections ay taliwas umano ito sa ikinikilos nito at ng kanyang asawang si First Gentleman Mike kung saan ay meron na umanong "balut campaign" at insurance policy na ipinamudmod sa mga vendors at drivers sa mga lugar sa Maynila.
Dapat anyang pagkatapos na lamang ng 2004 elections isagawa ang charter change kung talagang sinsero ang Pangulo sa pahayag nitong hindi na interesadong kumandidato pa.
Sinabi ni Maza na mas maraming importanteng mga panukalang batas at resolusyon ang dapat talakayin ng Kamara sa halip na isyu ng Chacha.
Kinuwestiyon nito ang motibo sa Chacha at inihayag na hindi napapanahon sa kasalukuyang kondisyon ng ekonomiya ng bansa ang pagkakaroon ng pag-amyenda sa Konstitusyon.
Nagbabala ang kongresista na magreresulta lamang sa pagbibigay pabor sa interes ng ilang pulitiko ang Chacha.
Sa halip, nanawagan ito sa kanyang mga kasamahan na bigyan pansin ang inihain nilang panukala na karagdagang P125 wage increase sa mga manggagawa at batas para ipagbawal ang kontraktuwalisasyon.
Bukod sa hindi napapanahon, imoral umano para sa mga mambabatas na talakayin ang Chacha habang ang singil sa tubig at kuryente, presyo ng petrolyo at pagkain ay patuloy na tumataas. (Ulat nina Joy Cantos, Malou Escudero)