Sa ipinalabas na resolusyon ng SC en banc na inakda ni Associate Justice Artemio Panganiban, ibinasura nito ang inihaing motion for reconsideration ni Jimenez na baguhin ang kanilang naunang desisyon at payagan siyang makapag-piyansa.
Sinabi naman ng mataas na hukuman na wala silang makitang sapat na basehan upang baguhin ang kanilang naunang desisyon sa kabila ng ginawang panawagan ng kasamahan nitong mambabatas.
Lumabas na mayroong 9-3-3 na boto at kinatigan ng SC ang kanilang naunang desisyon noong Setyembre 24 at dito ay kinontra ang naging desisyon ni Manila Judge Guillermo Purganan na payagang makapagpiyansa si Jimenez.
Kabilang sa mga SC justices na pabor sa pagpapa-aresto kay Jimenez ay sina Chief Justice Hilario Davide Jr., Justices Vicente Mendoza, Renato Corona, Antonio Carpio, Alicia Austria-Martinez, Conchita Carpio-Moralles, Romeo Callejo at Adolf Azcuña na pinakabagong mahistrado na pumabor sa pagdakip kay Jimenez.
Tumutol naman sina Associate Justices Jose Vitug, Angelina Sandoval Gutierrez at Consuelo Ynares-Santiago habang nagdesisyon naman na ibalik sa RTC ang kaso ay sina Justices Josue Bellosillo, Reynato Puno at Leonardo Quisumbing.
Binigyang diin ng SC na isang flight risk si Jimenez kayat dapat itong arestuhin dahil minsan na nitong ginawa nang tumakas ito sa US at posibleng ito ay kanyang ulitin.
Siniguro kahapon ng National Bureau of Investigation (NBI) na naatasang umaresto kay Jimenez na handa sila anumang oras sa kongresista sa sandaling magpalabas ng warrant of arrest ang SC.
Sa pahayag ni NBI-Interpol chief, Atty. Ric Diaz na kung sila lamang ang masusunod ay ayaw nilang arestuhin si Jimenez dahil malapit na ang Pasko subalit kung magpapalabas ng warrant of arrest ay wala silang magagawa kundi sumunod at agad nila itong idederetso sa NBI detencion cell.
Ayon sa isang source na nagsisilbing mediator ng Malacañang kay Jimenez, hiniling umano ng kongresista na handa siyang harapin ang mga kaso sa Amerika sa kondisyong hindi na siya kailangang arestuhin habang narito sa Pilipinas, hindi lagyan ng posas at makapag-diwang ng Pasko sa piling ng kanyang pamilya.
Ang mga kondisyon ay hiniling umano ni Jimenez bago pa man ipalabas ng SC ang desisyon.
Hanggang kamakalawa ng madaling araw ay nagbabad sa kanyang silid sa Kongreso si Jimenez at dito ay kanyang inilatag ang kanyang mga kahilingan sa kanyang pagsuko sa awtoridad.
Sinabi ni Dilangalen na walang sinuman ang maaaring humuli kay Jimenez habang may sesyon ang Kongreso hanggang Hulyo 7, 2003 dahil kapag nangyari ito ay siguradong magkakaroon ng constitutional crisis.
Mayroon anyang sariling sergeant-at-arms at Legislative Security Bureau ang kongreso na maaaring magbigay ng proteksiyon sa mga miyembro nito.
Maging ang mga kasamahan ni Dilangalen sa minorya ay naniniwalang magkakaroon ng constitutional crisis sa sandaling hulihin si Jimenez na nahaharap sa extradition case.
Ipinaliwanag pa ni Dilangalen na hindi kailangang nasa loob ng Kongreso si Jimenez upang magkaroon ito ng proteksiyon laban sa huhuli sa kanya.
Sinabi ni Drilon,kung sakaling ma-deport si Jimenez sa US dahil sa kasong kinakaharap nito na illegal contribution of campaign fund at iba pang kaso ay hindi na niya magagampanan ang kanyang trabaho bilang kongresista kaya nararapat lamang magpatawag ng panibagong eleksyon. (Ulat nina Gemma Amargo,Malou Escudero, Rudy Andal at Grace dela Cruz)