Inamin kahapon ni Finance Secretary Jose Isidro Camacho na ibinasura na ang kontrobersiyal niyang planong itake-over ang Meralco matapos itong lumikha ng mga negatibong reaksiyon hindi lamang sa pamilya Lopez kundi maging sa publiko.
Sa isang press briefing sa Malacañang, sinabi ni Camacho na may bagong binabalangkas na plano si Energy Sec. Vince Perez para matulungan ang Meralco na malutas ang problema nito sa pinansiyal nang hindi naisasakripisyo ang kapakanan ng publiko.
Ayon kay Camacho, wala siyang intensiyong kontrolin ng gobyerno ang Meralco dahil kung tutuusin naman ang pamahalaan ang siyang may pinakamalaking saping puhunan sa kompanya.
Pinabulaanan din ni Camacho ang mga hakahaka na ang planong pagkontrol ng pamahalaan sa Meralco ay isang paraan para mapilitan ang pamilya Lopez na magamit ng administrasyon ang ABS-CBN sa political campaign ni Pangulong Arroyo sa 2004. (Ulat ni Lilia Tolentino)