Sa paggunita ngayong araw ng undas, hiniling ng Pangulo ang patuloy na pakikipaglaban para mapanatili ang pagkakaisa, kapayapaan, kaunlaran at kaligtasan ng sambayanan laban sa mapanindak na elemento na anyay walang puwang sa sibilisadong kaayusan.
Ang pagbisita ng sambayanan sa puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay ay isang tradisyon at kaugaliang nagpapakilala ng paggalang hindi lamang sa mga namayapa kundi sa adhikaing ipinamana ng mga ninuno.
Ang Pangulo ay darating bukas matapos ang dalawang araw na APEC meet at working visit sa Amerika.
Tutungo ito sa Libingan ng mga Bayani para mag-alay ng bulaklak sa puntod ng yumaong ama na si dating Pangulong Diosdado Macapagal at inang si dating Unang Ginang Dona Eva Macaraeg Macapagal.
Sa Nobyembre 3, Linggo ay muling aalis ang Pangulo kasama ang kanyang delegasyon para sa 5 araw na pagdalo sa pulong ng mga lider ng ASEAN sa Cambodia at state visit naman sa Vietnam. (Ulat ni Lilia Tolentino)