Negosyo sa detective at security agencies lumakas

Kung may isang aspeto ng bansa ang nabigyan ng pabor sa sunud-sunod na insidente ng pambobomba sa Mindanao at Metro Manila, ito ay ang negosyo sa detective at security agencies na biglang lumakas dahil sa pagbibigay ng seguridad sa iba’t ibang negosyo.

Inamin ni Philippine Association of Detective and Protective Agency Operators (PADPAO) chairman Ramon Bergado na tumaas ang kita ng kanilang mga miyembrong detective at security agencies dahil sa biglaang pangangailangan ng mga business establishments na magtalaga ng sapat na guwardiya.

Karamihan umano sa nanghingi ng dagdag na mga security guards ay ang mga malalaking malls at hotels na natatakot na maging target ng mga terorista. Kasama rin dito ang paghingi ng mga personal na bodyguard ng ilang negosyante dahil naman sa insidente ng kidnapping.

Nabatid na halos 300,000 strong private security force ang nakakalat ngayon upang magbigay ng assistance sa mga tauhan ng PNP.

Bukod sa mga nakaunipormeng security guards, mayroon din mga plainclothes civilian detectives na nagkalat sa mga commercial centers upang matiyak ang seguridad ng mamamayan.

Sa kabila nito, sinabi ni Bergado na hindi naman sila natutuwa sa mga insidente ng pambobomba na siyang nagpalakas ng kanilang negosyo at gagawin nila ang lahat upang mapigilan ang mga terorista.

Tiniyak naman ni PNP Security Agency Group supervision division chief, Sr. Supt. Raul Bacalzo na sumailalim na sa special training ang mga naturang security guards upang mabigyan ng sapat na kaalaman sa mga uri ng bomba at pagdetect sa mga ito. (Ulat nina Danilo Garcia/Joy Cantos)

Show comments