Matapos ang mahabang oras ng Alabang-Novaliches route, tanging nasa isip nina Edward Balisnomo, 32, driver at kanyang konduktor na si Virgilio Quising, 32, ay tapos na naman ang isang araw na pamamasada at gagarahe na sila. Lingid sa dalawa, last trip na rin pala nila sa bus na yun.
Nasa bilis na 60 kilometro kada oras ang tinatakbo ng bus ng bigla na lamang nakaramdam si Balisnomo ng napakalakas na hangin mula sa likuran na nagpasubsob sa kanya sa manibela. May sumabog na pala. Samantala si Quising na nasa entrance ng bus ay nadaganan ng pintuan.
Nagsimula ang trip sa Alabang, Muntinlupa dakong alas-8 ng gabi.
Mula Alabang, tumigil sila sa Sucat sa Parañaque para kumuha ng ilang mga pasahero.
Ang sumunod na pagtigil ay sa old Mantrade sa Taguig, at pagkatapos sa Ayala Avenue, sumunod ay sa Estrella sa Makati City.
Sa bawat paghinto, may bumababa at sumasakay na mga pasahero.
Nang makarating sila sa Cubao matapos ang mga stopovers sa Guadalupe, Bonifacio Avenue, Crossing sa Shaw boulevard, SM Megamall, Ortigas Avenue at Camp Crame, 20 pasahero ang naiwan sa bus.
May sumakay na dalawang lalaki ng makarating sila sa MRT station malapit sa Quezon Avenue, na sinundan ng lima pang pasahero. May apat na pasahero ang bumaba sa SM annex sa kanto ng North Avenue at EDSA pero 15 ang sumakay.
Sa Muñoz, 10 pasahero ang bumaba pero lima ang sumakay.
May 32 pasahero na lamang ang sakay habang papalapit sila sa Royale building sa EDSA. Ilang sandali pa, may sumabog na.
Ayon kina Balisnomo at Quising, isang kayumangging babae na nakasuot ng orange t-shirt at maong na pantalon ang natatandaan nilang bumaba sa Royale bago ang pagsabog.
Pero sa dami ng sumakay at bumaba, mahirap matukoy kung sino ang nagtanim ng bomba.
Ang natatandaan nila, tatlo katao ang nakaupo sa animang upuan habang nakakalat sa gitna at unahan ang iba pa.
Kabilang sa nakaupo sa animan ay isang babae at isang lalaki na "sweet" ng mga sandaling iyon. Huling lambingan na rin pala nila iyon sa bus no.71.
Galos at bahagyang pagkabingi dahil sa lakas ng pagsabog ang tinamo ng dalawa. (Ulat ni Romel Bagares)