Iminungkahi kahapon ni Valenzuela Rep. Magtanggol Gunigundo na pansamantalang itigil ang mga game shows at maging mga telenovela na gumagamit ng text games sa kanilang programa habang iniimbestigahan ng Kongreso ang nasabing pakulo ng mga kompanya ng cellular phones na umabot na sa P11.2 bilyon ang kinita sa mga text games sa unang anim na buwan ng taon.
Lumabas sa isinagawang pagdinig na napakaliit ng tsansa upang manalo ang isang tao sa lotto at mas napaka-imposibleng manalo sa isang text games.
Hindi aniya maaaring itanggi ng mga cellphone companies na isang uri ng sugal ang kanilang mga text games dahil nagbibigay sila ng premyo at isa itong "game of chance."
"Obvious naman sa kanilang mga advertisement dahil inilalagay pa nilang the more entries you send, the more chances of winning, pahayag ni Gunigundo.
Idinagdag ng mambabatas na marahil ay hindi alam ng publiko na mas mahal ang pagpapadala ng sagot sa mga text games kaysa ordinaryong text messages dahil ang presyo ng una ay P2.50 samantala P1 lang ang huli.
Hindi naman umano nakasisiguro ang pamahalaan lalo na ang mga nagpapadala ng text na totoong may mga nanalo sa text games at kung nagbabayad ang mga ito ng tamang buwis.
Hindi rin anya sigurado kung may superbisyon ng DTI ang nasabing raffle.
Ipinahiwatig ng mambabatas na maaari nilang papuntahin sa pagdinig upang magpaliwanag ang mga host na sina Kris at Michael V. (Ulat ni Malou Escudero)