Ito ang inihayag ng whistle-blower na si Sulficio Tagud Jr., director-on leave ng PEA kasabay ng paniniyak na sasampahan niya ng kasong plunder ang lahat ng opisyal na kasangkot sa kontrobersiyal na Pres. Diosdado Macapagal Avenue.
Ayon sa opisyal, marami siyang nakukuhang impormasyon tungkol sa iba pang maanomalyang proyekto na inaprubahan ng mga opisyal ng PEA ngunit hindi lang niya nasusuri ang mga dokumento.
Kabilang na umano dito ang proyekto sa paglilipat ng kulungan ng mga bilanggo sa Muntinlupa na pinondohan ng P1 bilyon.
Ang naturang pondo ay inutang ng PEA sa Land Bank of the Philippines at ginagarantiyahan naman ng House Insurance Guarantee Corp.
Kasama umano sa proyekto ang paglilinis sa lupaing paglilipatan ng kulungan sa Bicutan, Taguig pati na ang relokasyon ng mga squatters na maapektuhan ng proyekto.
"Naubos na ngayon ang P1 bilyon pero hindi nakumpleto ang proyekto. Walang maipakitang sapat na accomplishment ang PEA. Na-foreclose na rin ang lote kaya ang may-ari na ngayon ng Old Bilibid ay ang HMFC," ani Tagud.
Nais ni Tagud na balasahin ang PEA at alisin na ang mga opisyal na matagal ng nakaupo sa ahensiya na puno umano ng anomalya. (Ulat ni Malou Escudero)