Base sa 18-pahinang desisyon ni Judge Benjamin Antonio ng Malabon RTC Branch 170, napatunayang nagkasala ang mga akusadong sina Danilo Fernandez, dating pulis-Maynila; Jaime Patio, Antonio Villarin, Teofilo Carillo, Jerry Fuentes at Chito Dalicano sa pagkidnap kay Mary Chan, nagmamay-ari ng Western Marketing Appliance Corp. at sa driver nitong si Roberto Oblena noong May 25, 1999 sa Severino st., Sta. Cruz, Manila.
Samantala, isa pang suspek, si Teresa Sabanal ay napawalang-sala dahil sa kakulangan ng matibay na ebidensiya matapos siyang mabigong maituro ng mga biktima.
Inatasan din ng hukuman ang mga akusado na bayaran sina Chan at Oblena ng kabuuang P300,000 moral damages.
Lumilitaw sa court records na dakong alas-7 ng gabi ng nabanggit na petsa ng harangin ng apat sa mga akusado ang sinasakyang van ng mag-amo sa Severino street, Sta. Cruz, Manila. Tinutukan ng baril ang mga biktima saka dinala sa kanilang safehouse sa Dalagang Bukid st., Dagat-dagatan, Navotas kung saan sila binihag ng limang araw bago nasagip ng mga elemento ng Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOCTF).
Unang humingi ng halagang P50 million ransom ang mga kidnapper sa pamilya ni Chan hanggang sa ibaba sa P2 milyon na lamang. Napagkasunduan na magbabayaran sa Dagat-dagatan, Navotas subalit lingid sa mga kidnapper ay nakipag-ugnayan na ang pamilya ng biktima sa PAOCTF.
Nabawi sa mga kidnapper ang ibat ibang high-powered firearms gaya ng M16 at M167 rifles, kalibre .45, dalawang granada, dalawang kalibre .38, magazines para sa kalibre .45, M16 at M167 rifles. (Ulat ni Rose Tamayo)