Batay sa ulat ng DPWH Region 4, tinatayang P25 milyon ang halaga ng nasira sa tulay dulot ng pagkakabangga.
Nakasaad pa sa ulat na tumabingi ang nabanggang poste na kilala bilang Pier 35 ng halos tatlong degrees sa banda ng Catbalogan. Naapektuhan din umano ang Pier 36 na nagkaroon ng mga crack.
Tumabingi rin umano ang kongkretong deck slab sa Pier 34 at 36 at nasira ang mga aluminum railing ng tulay.
Bandang alas-5 ng hapon noong Setyembre 22 ng matanggal sa pagkaka-anchor ang LCT Challenger at bumangga sa Pier 35 dahil sa malakas na daloy ng tubig na ordinaryo umanong nangyayari kapag nagbabago ang laki ng tubig o tide.
Ginagamit ng Cavdeal Construction, isa sa sub-contractor at supplier sa P700 milyong San Juanico bridge rehabilitation program, ang nasabing barge.
Dahil dito ay nais ni Leyte Rep. Ted Failon na pagbayarin ang nasabing kumpanya ng P25 milyon sa gross negligence nito na nagdulot ng sira sa inaayos nilang tulay. Kasama rin umano sa dapat pagbayarin ang principal contractor na Sumitomo, isang Japanese construction company.
Pansamantalang nilimitahan ang daloy ng trapiko dito at kalahati lamang ng tulay sa banda ng Tacloban ang pinadadaanan sa mga sasakyan na hindi lalampas sa 20 tonelada ang bigat at kinakailangang 20 kph lamang ang takbo. (Ulat ni Malou Escudero)