Ito ang nabatid kahapon mula sa New Petroleum Players Association kaugnay ng binabalak nilang muli na namang pagtataas ng presyo ng naturang produkto.
Sinabi ni New Oil Players president Fernando Martinez na hindi maiiwasan ang nasabing hakbang dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan.
Ayon kay Martinez, ito umano ang epekto ng ginagawang paglilimita ng Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC) sa supply ng langis dala na rin ng patuloy na girian sa pagitan ng Iraq at Estados Unidos.
Ipinaliwanag naman nito na ang P0.90 pagtaas sa presyo ng langis ay isasagawa sa staggered basis o dalawang hati upang hindi maging mabigat sa panig ng mga motorista na aniya ay posibleng iimplementa sa unang linggo ng Oktubre.
Samantala, sa panig ng Pilipinas Shell, sinabi ni Vice President for Corporate Affairs Bobby Kanapi na tiyak nang magkakaroon ng panibagong oil price adjustment subalit kung magkano at kailan ito ipatutupad ay hindi pa batid dahil sa kasalukuyan ay patuloy ang kanilang monitoring sa presyo ng langis sa world market, gayundin sa galaw ng palitan ng piso sa dolyar.
Kaugnay nito, pinabulaanan naman nito na ang magiging pagtaas ng Shell ay posibleng kahalintulad din sa New Oil Players. Ipinaliwanag ni Kanapi na iba-iba ang basehan ng mga oil companies gaya ng Caltex at Petron ay nag-aangkat ng crude oil na mas mura.
Aminado naman ang Shell na batid nito ang banta ng mga transport group para sa P1 fare hike sa mga jeepney operators habang P2 naman sa mga bus operators ngunit wala naman itong magagawa dahil kailangan ang oil adjustment dahil tumaas ng $1.34 per barrel ang presyo ng krudo.
Tiniyak din ni Kanapi na kung magiging mataas ang oil price increase ay staggered basis naman ito ipatutupad kung saan gagalaw lamang sa pagitan ng 30 hanggang 35 sentimo ang bawat pagtaas. (Ulat ni Joy Cantos)