Kinilala ang mga biktimang sina Julio Carlos Tomas Ledesma, 5, prep sa Xavier School at ate nitong si Christina Julieta Victoria Ledesma, 10, grade IV pupil sa Immaculate Conception Academy, pawang sa Greenhills, San Juan at anak ni Congressman Ledesma sa una nitong asawa.
Nabatid na ilang minuto pa lamang nakakalayo ang mga bata sa kanilang tahanan sa B292 Alexandra Condominium sa #29 Meralco Ave., Pasig City ng maganap ang insidente dakong 7:45 ng umaga sa kahabaan ng A. Mabini corner P. Burgos, Brgy. Addition Hills, San Juan.
Batay sa imbestigasyon ng San Juan police, papasok na sa eskuwelahan ang mga bata kasama ang yaya ng mga itong si Jenalyn Tizado, 25, tubong Leyte at ang kanilang family driver na si Randy Barcelona, 28, tubong Bohol ng harangin ng mga suspek ang sinasakyan nilang kulay puting Ford Mark III van na may plakang WFV 991.
Agad bumaba ang mga suspek na lulan ng kulay maroon na Crosswind na may plakang WDC 456 at Starex van na walang plaka at pinagbabaril ng dala nilang 9mm pistols at M16 rifles ang mga gulong ng sasakyan ng mga biktima at sinigurong flat na ito upang di na sila magkaroon pa ng pagkakataong tumakas habang ilan sa kasamahan nilang mga kidnapper ay nagpaikut-ikot sa nasabing lugar.
Pagkatapos nito ay tinutukan ng dalawa sa mga suspek ang driver na si Barcelona at galit umanong nagsabing "buksan mo ito, akina ang susi, ang susi ibigay mo sa akin ang susi."
Nang hindi umano buksan ni Barcelona ang pinto ng sasakyan ay binasag ng mga suspek ang kaliwang windshield ng sasakyan ng mga Ledesma at bunsod upang masugatan ang driver mula sa bubog ng nabasag na salamin.
Kasunod nito ay puwersahang binuksan ng mga suspek ang sasakyan at nakipag-agawan na umano ang mga ito sa katulong na si Tizado. Walang nagawa ang yaya ng tuluyang kunin sa kanya ang dalawang alaga.
Mabilis na tumakas ang mga kidnapper tangay ang dalawang biktima kung saan huling namataan ang grupo patungong Mandaluyong.
Nakuha sa pinangyarihan ng insidente ang anim na basyo ng M16 rifle at anim na basyo ng 9mm na siyang ginamit ng mga kidnapper.
Hanggang ngayon ay blangko pa sa motibo ang pulisya pero hindi umano maiiwasan na pag-usapan ang pulitika.
Sa pahayag ni San Juan Chief of Police, P/Sr. Supt. Rodrigo de Gracia, kasalukuyan pa nilang iniimbestigahan kung anong grupo ang responsable sa pinaniniwalaang planadong pagdukot sa mga biktima.
Gayunman, di pa rin nila masabi kung "inside job" ang pangyayari.
"We are looking into all angles, pinag-aaralan po natin ito as for some information we cannot divulge, its something operational for the security of the two kidnap victims," pahayag ni de Gracia sa media.
Base pa sa imbestigasyon, si Barcelona ay namasukan sa pamilya ni Congressman Ledesma nitong nakalipas na buwan ng Mayo ay nagsimula naman bilang driver nito lamang Agosto.
Sa panig naman ni San Juan Mayor JV Ejercito, sinabi nito na ipinatutupad nila ang police visibility sa kanilang lugar at nagkataon lamang umano na nakatiyempo ang mga kidnapper.
Umaabot naman sa mahigit 100 litrato ng mga miyembro ng kidnapping syndicates na nasa watchlist ng San Juan police ang ipinakita kina Barcelona at Tizado upang matukoy ang mga suspek. Pansamantalang isinasailalim sa tactical interrogation ng pulisya ang naturang driver at yaya.
Bukod sa San Juan police, pinasok na rin ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group ang pagsasagawa ng imbestigasyon at pinakilos na rin ang Police Anti-Crime Emergency Response Unit na siyang naatasang humabol sa mga kidnapper.
Nakiusap si NCRPO chief Reynaldo Velasco na huwag bulabugin ang operasyon nila upang hindi makagawa ng marahas na aksiyon ang grupo.
Si Ledesma na isang biyudo at mula sa angkan ng mayamang pamilya sa Negros ay naging sentro ng kontrobersiya dahil sa kanyang pakikipag-relasyon sa magandang aktres na si Assunta de Rossi.
Samantala, nanawagan naman kahapon si Negros Congressman Ledesma sa media na huwag masyadong i-highlight o i-sensationalize ang balita sa pagkakadukot ng kanyang mga anak sa pangambang manganib ang buhay ng mga bata.
Ang apela ni Ledesma, chairman ng House committee on ways and means ay inihayag sa pamamagitan ng isang interview na inere sa mga radio stations.
Kaugnay nito, nagpahayag naman ng simpatiya ang kasamahan nitong mambabatas na si Basilan Rep. Gerry Salapuddin.
Ayon kay Salapuddin, hindi lamang sa Mindanao nagaganap ang kidnapping kundi maging sa Maynila subalit hindi lamang pinalalaki.
Ang kidnapping din ang dahilan kung bakit hindi dapat alisin ang parusang kamatayan.
"Hindi dapat alisin ang death penalty o magkaroon ng moratorium dito, it is the only way to deter crimes tulad ng kidnapping, hindi matatapos ang mga kasong ganito kung maaalis ang death penalty," sabi ni Salapuddin. (Ulat nina Joy Cantos, Malou Escudero/Danilo Garcia/Angie dela Cruz at Rudy Andal)