Pinays sa Malaysia sex slave na, pusher pa

ZAMBOANGA CITY - Sapilitan umanong pinagbebenta ng droga ng mga adik na Malaysian police ang mga Filipino deportees na nakapiit sa Sabah at kapag sabog na ay pinagti-tripan namang gahasain ang mga kababaihang deportees.

Ito ang nakalap na impormasyon ng grupo ng Public Attorney’s Office (PAO) sa pamumuno ni Atty. Percida Rueda-Acosta matapos na magtungo sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) center dito kung saan pansamantalang naninirahan ang mga deportees na galing sa Malaysia.

Ayon sa PAO, base sa salaysay ng mga kararating pa lamang na Pinoy deportees, karamihan umano sa mga Pinay deportees ay biktima ng white slavery na naloko ng illegal recruiter sa kanilang mga probinsiya.

Sa kuwento ng mga biktima na ayaw magpabanggit ng pangalan, pinangakuan sila ng magandang trabaho sa Kota Kinabalu at Sandakan, Malaysia ng isang nagngangalang Joy pero bumagsak sila bilang commercial sex workers.

Ibinebenta umano sila sa halagang 1,500 hanggang 3,500 Malaysian ringgit o P21,000-P49,000 sa mga casa sa Malaysia na pag-aari umano ng isang James Wong.

Inamin ng mga biktima na dalawa hanggang walong lalaki ang gumagamit sa kanila sa loob ng isang araw.

Bukod dito, puwersahan din umanong pinagbebenta ang mga deportees ng ipinagbabawal na gamot at kapag tumatanggi umano ang mga ito ay binubugbog sila at pinapalo ng batuta hanggang sa mabali ito sa kanilang katawan.

May hinala rin ang mga abogado ng PAO na kapag lango na sa droga ang mga jail guard sa Malaysia ay pinagti-tripang gahasain ng mga ito ang kababaihang Pinay.

Kabilang sa biktima ng panggagahasa ang 13-anyos na dalagitang pinilahan umano ng pitong Malaysian police.

Kinilala ang dalagita sa pangalang Angelica, tubong Malaysia at isang cigarette vendor taliwas sa naunang ipinalabas na ulat ni DSWD Secretary Dinky Soliman na isang prostitute.

Sinabi ni Atty. Acosta na umabot ng ilang oras bago niya nakumbinsi si Angelica na magbigay ng kanyang salaysay dahil hanggang ngayon ay mayroon pa rin itong trauma. Hindi rin ito marunong mag-Tagalog dahil isa itong Badjao at kailangan pa ng interpreter.

Nabatid na ang tatay ni Angelica ay isang Tsino, si Singh Song at ang ina nito ay isang Filipina mula sa Zamboanga na hanggang sa kasalukuyan ay nasa Malaysia pa.

Sa salaysay ni Angelica kay Atty. Acosta, wala umanong oras na pinipili ang mga "Peppos" o jail guard at isang chief of police dito kapag nais umano siyang gahasain ng mga ito.

Pinatunayan ng isang kaibigan na kasama niya sa kulungan ang dinanas na hirap ni Angelica.

Araw-araw umano ay tatlong lalaki ang halinhinang gumagahasa sa kanya kung kaya binansagan na siya ng kanyang mga kapwa Pilipino na nakapiit dito na isang prostitute.

Lumalabas naman sa pagsusuri ng medico legal ng National Bureau of Investigation (NBI) na si Dr. Jose Atanasius Ruffon III na mayroong apat na laceration ang biktima at nagkaroon na rin ito ng impeksiyon sa kanyang ari.

Idinagdag pa ni Atty. Acosta na sumasailalim sa psychiatric test ang biktima at kaibigan nito habang nasa pangangalaga ng DSWD dahil madalas ay tulala pa sa tuwing maalala ang kalupitang dinanas sa kamay ng mga Malaysian police.

Nakatakdang ibigay ni Atty. Acosta kay DOJ Secretary Hernando Perez ang kanyang mga nakalap na report na umano’y siyang magbibigay ng matibay na ebidensiya upang sampahan ng kaso ang sangkot na Malaysian police. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments