Vice mayor sabit sa kidnapping

NORZAGARAY, Bulacan - Nahaharap ngayon sa kasong kidnapping ang vice mayor ng bayang ito makaraang akusahan ng pagdukot umano sa isang pangunahing testigo sa nangyaring pamamaril at pagpatay sa isang political leader, ilang araw matapos ang May 14, 2001 elections kung saan ang itinurong isa sa mga suspek sa krimen ay ang kapatid ng nasabing opisyal.

Nabatid na si Vice Mayor Abner Gener ay sinampahan ng kaso sa Department of Justice matapos umano nitong dukutin ang star witness na si Arthur Daz, upang papirmahin ito sa isang ginawang affidavit na naglalaman ng mga testimonyang babawi sa kanyang mga naunang salaysay na ang kapatid ni Vice Mayor Gener na si Floro "Boy" Gener ang nakita ng naturang saksi na kasama ang ilang mga lalaking armado ng armas na bumaril at pumatay sa biktimang nakilalang si George Orcino, isang kilalang lider-pulitiko sa barangay Tigbe ng bayang ito.

Ang sinasabing motibo ng pamamaslang ay ang pagkatalo umano ng suspek sa pagka-alkalde sa ginanap na halalan noong nakaraang taon.

Mariin namang pinabulaanan ng nasabing vice mayor ang mga akusasyon sa kanilang dalawang magkapatid, dahilan sa ito anya ay pawang mga politically-motivated issues lamang na gustong sirain ang kanilang reputasyon sa pulitika, dahil alam na alam anya sa kanilang bayan na sila ang magiging mahigpit na kalaban ng mga pulitiko dito sa susunod na 2004 national at local elections.

Napag-alaman din na bukod sa kasong kidnapping na isinampa kay Vice Mayor Gener sa DOJ ay may kinakaharap din itong kaso sa Office of the Ombudsman kabilang ang isang barangay captain at siyam na konsehal kaugnay naman sa umano’y pamemeke ng lagda ng isang complainant sa isang huwad na affidavit of desistance sa isang kaso na isinampa laban sa nabanggit na chairman. (Ulat ni Efren Alcantara)

Show comments