Ito ang ibinunyag kahapon ni Camarines Sur Rep. Rolando Andaya, chairman ng makapangyarihang House committee on Appropriations.
Ang 14 ahensiya na nasa ilalim ng pitong departamento ng pamahalaan ay posibleng hindi na bigyan ng pondo sa 2003 General Appropriations Act.
Kapag natuloy ang pagbuwag sa 14 na ahensiya ay inaasahang makakatipid ang gobyerno ng P1.597 bilyon, subalit aabot naman sa 6,851 na manggagawa sa gobyerno ang maaapektuhan.
Sa mga ahensiyang pinag-aaralang buwagin, tatlo ang nasa ilalim ng DTI, ang International Coffee Organization (ICO) certifying agency, Bonded Export Marketing Board at Construction Manpower Devt Foundation; dalawa sa DPWH, ang Bureau of Maintenance at Bureau of Equipment; dalawa rin sa DOTC, ang Telecommunications Office at Office of the Transport Cooperatives.
Apektado rin ang Commission on Filipino Overseas ng DFA; Phil. National Volunteer Service Coordinating Agency ng NEDA; Commission on Settlement of Land Problems ng DOH; Cotton Development Administration at Agri Credit Policy Council ng Dept of Agriculture.
Pinag-aaralan na ring buwagin ang National Book Devt Board at isapribado naman ang National Printing Office.
Ayon kay Andaya, ang telecom office ng DOTC ang may pinakamaraming bilang ng mga empleyadong maaapektuhan. Ito rin ang may pinakamalaking budget na umaabot sa P1.143B. (Ulat ni Malou Escudero)