Ito ang ginawang paglilinaw kahapon ni Cordillera Administrative Region Police Office director, Chief Supt. George Alino matapos na magkamali sa inisyal na ulat na ang mga rebelde ang may kagagawan ng krimen.
Pinaghihinalaan ngayon ng pulisya si dating Lubuagan vice mayor Corey Dickups at ang lider ng isang robbery gang na si Willy Sagasag na siyang nasa likod ng naturang ambush.
Nasawi sa naturang insidente sina Sr. Insp. Nestor Miranda, PO2 Nestor Mahinay at PO1 Arthur Ambatcan. Malubhang nasugatan naman ang kanilang hepe na si P/Supt. Antonio Gumiran habang galos at sugat lamang ang tinamo nina Sr. Insp. Abraham Galingan at PO3 Aurelio Bitanga.
Nabatid kay Alino sa kanilang follow-up investigation na nakita umano ng mga nakaligtas na pulis si Dickups ilang metro ang layo sa kanyang mga tauhan habang walang habas na pinaputukan ang dala nilang Toyota Revo sa may Sitio Diracan, Brgy. Dangoy, bayan ng Lubuagan.
Malaki anya ang posibilidad na may motibo si Dickups na paslangain ang naturang mga pulis dahil na rin sa walang humpay na operasyon para madakip siya matapos na maging wanted dahil sa pagiging utak umano sa pagpatay sa limang negosyante sa Pangasinan, walong taon na ang nakalilipas.
Kahit naglabas na ang pamahalaan ng P1 milyong pabuya sa sinumang makakahuli kay Dickups ay hindi ito mahuli dahil binibigyan umano ng proteksiyon ng mga mamamayan dito.
Posible rin umano na ang grupo ni Sagasag ang may kagagawan dahil sa death threats nito kay Gumiran matapos na mapaslang ng pulisya ang isa nilang kasamahan na si Ibot Palawag kamakailan.
Kasalukuyan ngayong nagsasagawa ng dagdag na imbestigasyon ang mga pulis upang matukoy ang tunay na nasa likod ng krimen at ang motibo.(Ulat ni Danilo Garcia)