Kinilala ang mga napatay na sina Sr. Insp. Nestor Miranda, PO3 Art Ambakan at PO1 Tony Mahinay, pawang mga miyembro ng PNP-Special Action Force ng Cordillera Administrative Regional Police Office.
Isinugod naman sa Kalinga Provincial Hospital ang kanilang team leader na si P/Supt. Antonio Bumiran, Insp. Abraham Galingan at PO3 Aurelio Bitanga dahil sa tama ng bala ng baril.
Base sa ipinadalang ulat, naganap ang pananambang dakong alas-4 ng hapon sa may Brgy. Tangon, Subuagan naturang lalawigan.
Galing sa pagpapatrulya ang naturang grupo sa bayan ng Tabuk at sakay ng isang Toyota Revo nang harangin ng mga rebelde at paulanan ng bala.
Agad tinamaan si Mahinay na siyang driver ng Revo sanhi upang mawalan ng kontrol sa manibela at tuluyang mahulog ang naturang sasakyan sa bangin.
Mabilis namang tumakas ang mga salarin habang naabutang buhay ng mga militar ang tatlong sugatan at isinugod sa pagamutan.
Isang pursuit operation na ang isinasagawa para tugisin ang mga rebelde.
Matatandaang nagpahayag kamakalawa si Gregorio "Ka Roger" Rosal, spokesman ng CPP-NPA at Melito Glor Command na hindi sila maghihintay na banatan ng mga sundalo ng pamahalaan bago gumawa ng akto ng karahasan.
Ang pahayag na ito ay kasunod ng banta naman ni CPP founding chairman Jose Maria Sison na pasasabugin ng NPA ang mga instalasyon ng kuryente ng Napocor at mga telepono bilang sagot sa all-out-war ng gobyerno. (Ulat nina Danilo Garcia at Artemio Dumlao)