Ayon kay SC acting chief Justice Josue Bellosillo na hindi dapat matuloy ang nasabing tournament dahil posibleng magamit lamang ang mga korte upang magkaroon ng aregluhan sa mga kaso.
Gaganapin ang naturang tournament sa September 27, 2002 sa Wack-Wack Golf and Country Club at pangungunahan ng Philippine Judges Foundation na ang layunin ay humanap ng pondo para sa mga hukom at mahistrado sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga health care benefits.
Nababahala ang Mataas na Hukuman na posibleng maisakripisyo ang pangalan ng hudikatura sa oras na ituloy ang naturang tournament dahil sa hindi umano maiaalis sa mata ng publiko ang mga batikos kung makikitang kasama ng mga hukom at mahistrado ang mayayamang negosyante at mga law offices na may hawak sa kanilang mga kaso.
Sinabi pa ni Bellosillo na bagaman walang batas na nagbabawal sa hudikatura na sumama sa sports competition ay makabubuting umiwas sa mga patimpalak na magkakaroon ng kulay pulitika at posibleng makasira sa takbo ng hudikatura. (Ulat ni Gemma Amargo)