Sinabi ng Pangulo na ang anumang reklamo ng civil society ay kanyang pakikinggan subalit hindi ito nangangahulugan na kanyang susundin.
Ang pahayag ng Pangulo ay kaugnay ng reklamo ng civil society sa pagpasok umano ng mga Erap boys sa administrasyon na pinangungunahan nina Sen. Blas Ople bilang DFA secretary, magkapatid na Ronaldo at Dong Puno at Jimmy Policarpio.
Ipinaliwanag ng Pangulo na ang isang lider ay hindi maaaring sumunod na lamang sa hampas ng hangin o sa iisang grupo.
Napipinto namang masibak sa puwesto si Pastor Boy Saycon, secretary general ng Council for Philippine Affairs (COPA) dahil sa pagkakalat nito ng maling impormasyon sa publiko kaugnay ng pahayag nitong magbibitiw ang ilang miyembro ng Gabinete kung itatalaga ng Pangulo sa pamahalaan ang apat na mga Erap boys.
Tinawag ng Pangulo si Saycon na isang anay na walang puwang sa isang malakas na Republika ng Pilipinas. Sinabi ng Pangulo na walang basehan si Saycon na gumawa ng naturang pahayag dahil unang-una, hindi siya kasama sa pulong noong Lunes ng mga miyembro ng civil society dahil ang kanyang organisasyon na COPA ay hindi imbitado. (Ulat nina Ely Saludar/Lilia Tolentino)