Bunsod na rin ng monsoon rain at patuloy na pananalasa ng bagyong Gloria at Hambalos, idineklara na ang state of calamity sa siyudad ng Malabon matapos ang emergency session ng city council.
Base sa rekord ng Malabon City Disaster Coordinating Counil, umaabot na sa tatlo katao ang nasawi sa baha bukod pa na lahat nang 21 barangay nito ay lubog sa baha.
Dumarami na rin ang bilang ng mga evacuees na tinamaan ng sakit na cholera, sipon, ubo at lagnat na karamihan sa dinapuan ay mga sanggol at kabataan.
Kaugnay nito, hiniling kahapon ni Malabon City Mayor Amado Vicencio kay DOH Sec. Manuel Dayrit na magsagawa ng kaukulang hakbang upang maagapan ang pagkakaroon ng "outbreak" ng mga nabanggit na sakit.
Nagtalaga na nang 24-hour monitoring team ang DOH sa CAMANAVA area bilang tugon sa kautusan ni Pangulong Arroyo na bumisita kamakalawa sa nasabing lugar.
Nagkaisa rin kahapon ang mga alkalde ng CAMANAVA na magtulungan sakaling lumala pa ang baha dala ng rin ng habagat at paparating pang bagyo.
Umabot na rin sa 10 talampakan ang taas ng tubig baha sa ilang mga barangay na kinasasakupan ng Malabon, Valenzuela City at Navotas na dahilan ng patuloy na pagtaas ng bilang ng mga evacuees.
May kabuuang 22,772 katao na binubuo ng 5,081 pamilya ang inilikas na sa may 116 evacuation areas sa buong Luzon. Pinakamalaking halaga ng pananim ang nawasak sa Autonomous Region for Muslim Mindanao (ARMM), P36.77 milyon, ikalawa ang Region 12, P20 milyon. Umakyat naman sa 37 katao ang malubhang nasugatan matapos na mabagsakan ng isang puno ang kanilang bahay sa magkakahiwalay na lugar sa Tarlac at Batangas, habang isang buhawi ang nanalanta sa Zambales.
Samantala, ganap nang nakapasok sa bansa ang bagyong Hambalos habang patuloy naman ang paglisan sa bansa ng bagyong Gloria na ngayoy nasa Japan na. Alas-12:30 ng tanghali kahapon ay namataan si Hambalos sa layong 430 kilometro ng hilaga hilagang silangan ng Basco, Batanes.
Ayon sa PAGASA, unti-unting kumakawala sa anumang peligro si Hambalos dahil sa hindi na ito magbibigay ng matinding panganib sa tao at mga ari-arian na tulad ni Gloria. (Ulat nina Rose Tamayo/Angie dela Cruz/Danilo Garcia)