Dakong alas-3:15 ng hapon nang lumapag ang chartered plane sa Diosdado Macapagal Airport lulan ang mga nakaposas na mga Pilipino na kinabibilangan ng apat na kababaihan, gayunman ay agad ding tinanggal ang mga posas ng mga ito bago bumaba ng eroplano.
Sinabi ni Consul Elmer Cato, director ng Consular ng Office ng Department of Foreign Affairs na ang mga ipinatapong mga Filipino ay mga nahatulan din sa ibat-ibang kaso na kinabibilangan ng theft, child molestation at pambubugbog ng asawa, gayunman nilinaw ni Cato na walang kinalaman ang mga kasong ito sa kanilang pagkakabalik sa Pilipinas na ang tanging dahilan ay ang pagiging illegal alien lamang ng mga ito.
Isa sa napabalik sa Pilipinas makaraan ang 21 taong pamamalagi dito ay ang 26 anyos na tubong Balibago, Angeles City. Sinalubong ni Adelaida Mijares, 47, ang kaniyang pamangkin na limang taon pa lamang ng dalhin doon ng kaniyang ina na nakapag-asawa ng isang Amerikanong sundalo.
Nabatid na sa kabila ng pamamalagi ng mahigit dalawang dekada ng pamangkin ni Mijares ay nakalimutan itong i-adopt legally ng kaniyang Kanong amain.
Malulusog at walang karamdaman ang Pilipinong deportees na pawang mga tubong Luzon, Samar at Mindanao.
Sinabi sa ulat ng INS na sa Missouri, Florida, California, Massachusetts, Texas, New Jersey at Washington states nadakip ang mga deportees na siya ring kauna-unahang mga Pinoy na nadeport gamit ang chartered aircraft sa ilalim ng Justice Prisoners Airlines Transport System (JPATS).
Umaabot ng mahigit sa $10,000 ang halagang ginugugol ng Amerika sa pagpapadeport pabalik ng bansang pinagmulan nito.
Samantala inamin din ni Cato na kinailangang iposas ang mga deportees dahil ilan dito ay mayroong kasong kriminal. (Ulat ni Ellen Fernando)