Matapos na magpalabas ng P50,000 reward ang gobyerno para sa sinumang makakarekober sa katawan ni Sabaya, mula umano kahapon ng madaling-araw ay nag-uunahan nang pumalaot sa karagatan ang di magkamayaw na mangingisda para hanapin ang bangkay ni Sabaya at ang dalawa pa nitong napaslang na tauhan na sina Ibno Hajir at Abu Musa na pawang nagsitalon sa pumboat matapos na mabaril sa naganap na encounter sa Sibuco, Zamboanga del Norte.
Ayon kay AFP Chief Gen. Roy Cimatu, posible umanong hindi na makuha ng buo o nasa maayos na kondisyon ang mga labi ng tatlong bandido dahil maaaring pinapak na rin umano ng nagpiyestang mga pating sa karagatan ang mga katawan.
Sa kabila nito, patuloy ang pagsusumikap ng militar na mabawi sina Sabaya at binigyang diin ni Cimatu na nais nilang marekober ang bangkay upang mabura ang pagdududa ng mga kritiko na palabas lamang ng militar ang pagsasabing napatay nila ang kilabot na spokesman ng ASG.
Sa panig ni AFP spokesman Brig. Gen. Eduardo Purificacion, sinabi nito na aabot pa ng tatlo hanggang apat na araw bago tuluyang marekober ang hinahanap na katawan.
Masyado umanong malalim sa nabanggit na bahagi ng dagat dahil malaki ang current o agos ng tubig kung saan ay malamang na tinangay na papalayo ang bangkay ng mga ito.
Sa kasalukuyan ay pawang backpack, satellite phone, shades at iba pang personal na gamit ni Sabaya ang narekober ng tropa ng pamahalaan. (Ulat ni Joy Cantos)