Sakay umano ng isang pumboat ang mga bandido nang tugisin ng mga tauhan ng Philippine Navy Special Warfare Unit at Blocking Force ng Marines ng maganap ang madugong enkuwentro kahapon ng alas-4 ng madaling araw sa Mantibu point.
Kinumpirma nang isa sa apat na nadakip na bandido na tadtad ng tama ng bala sa katawan si Sabaya nang tumalon sa karagatan kasama ang dalawang sugatang tauhan na sina Abu Musa at Inbo Hajim. Nakasuot si Sabaya ng itim na sweatshirt.
Kahapon ay patuloy na sinusuyod ang karagatan para sa paghahanap sa bangkay ni Sabaya at dalawa pang tauhan nito habang narekober ang sunglasses ni Sabaya, backpack at kanyang sattelite phone.
Kasalukuyang sumasailalim sa tactical interrogation ang nadakip na mga bandidong kinilalang sina Hassan Hamsi, Abdurahman Ismael, Adzmar Aluk at Abu Nadim.
Simula anya ng ilunsad ang Operation: Daybreak ipinamalas na ng mga sundalo ang kanilang kakayahan sa pakikipaglaban at dapat silang purihin ng sambayanan.
Sinabi pa ng Pangulo na kailangang huwag bigyang pagkakataon ang mga tumakas na Abu Sayyaf na makapagtago pa, makapagpahinga at makapagmaniobra ngayong sukol na sila ng mga sundalo.
Nakahanda rin umanong magbigay ng pabuya ang embahada ng US sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon o makarekober sa bangkay ni Sabaya.
Samantala sa panayam kay National Security Adviser Roilo Golez sa Department of Foreign Affairs kahapon, sinabi nito na hindi pa nila makukumpirma na patay na nga si Sabaya hanggat hindi pa nakikita ang bangkay nito.
Bibigyan umano ng pabuyang P50,000 ang miyembro ng Navy na nakabaril kay Sabaya at ganoong halaga rin umano sa makakarekober sa bangkay ni Sabaya.
Naniniwala naman si Golez na maaaring lumubog sa ilalim ng dagat ang bangkay ni Sabaya at dalawa nitong kasama at posibleng lumutang ito sa loob ng 8-12 oras.
Sa panayam naman kay Defense Secretary Angelo Reyes, malaki ang kanyang paniwala na patay na nga si Sabaya dahil sa pagkakarekober sa "shades" nito na nagsisilbi umanong agimat ni Sabaya.
Sinabi nina Reps. Juan Miguel Zubiri (Bukidnon) at Rolando Andaya (Camarines Sur) na dapat pagtuunan ng pansin ngayon ng militar ay ang mahuli at madurog ang iba pang mataas na lider at miyembro ng bandidong grupo.
Sinabi ng mga mambabatas na kung nagawang matugis at mapatay ng militar si Sabaya ay magagawa nila ito sa iba nitong kasamahan. (Ulat nina Joy Cantos,Rose Tamayo,Lilia Tolentino at Malou Rongalerios-Escudero)