Agad namang nagtakda ng P10,000 piyansa si QCRTC Judge Normandie Pizzaro para pansamantalang makalaya si Reyes, subalit tumanggi ang naturang pari.
Ayon kay Reyes, marami umanong nagbibigay ng tulong sa kanya na kinabibilangan ng mga pari at madre ngunit kanya itong tinatanggihan dahil na rin sa kanyang ipinaglalabang prinsipyo.
Ani Reyes, kaya niyang piyansahan ang kanyang sarili pero hindi umano ito ang pinag-uusapan sa ngayon. Ang nais niya ay makakuha ng katarungan para sa kanyang pamangkin.
Si Reyes ay kinasuhan ng libelo ni Jackie Enrile matapos na magbigay ng pahayag sa programang "Extra! Extra! ni Paolo Bediones sa GMA Channel 7 kung saan inakusahan nito ang mag-amang Enrile na umanoy nagpapatay sa kanyang pamangkin na si Ernest Robert Lucas noong Sept. 21, 1975.
Tiniyak naman ni QC jailwarden Supt. Emilio Culang na walang VIP treatment na ibibigay kay Reyes bagamat ito ay kilala sa pagiging isang lumalabang pari.
Sa katunayan umano ay kasama ni Reyes sa Barangay Roxas detention cell ng QC jail ang isa pang pari na si Fr. Macario Apuyao, parish priest ng Saint Theresa sa Dagupan City na nahaharap naman sa kasong rape sa isang menor de edad at apat na taon nang nakakulong.
Sinabi din ni Culang na hindi maaaring magsagawa ng pagmimisa si Fr. Reyes dahil grounded ang lisensiya nito bilang pari, gayunman pupuwede itong magsagawa ng pangangaral sa kapwa preso.
Nakatakda ang arraignment ni Reyes sa Hunyo 19 sa sala ni Judge Pizzaro sa branch 100. (Ulat nina Doris Franche at Jhay Mejias)