Kinilala ni C/Insp. Agapito Nacario, hepe ng Caloocan City Bureau of Fire Protection (BFP) ang nasawi na si Zelig Zapata, residente ng Dimasalang st., nasabing lungsod at estudyante ng Martinez College.
Sinabi ni Nacario na dakong alas-3 ng hapon ng makatanggap sila ng isang tawag sa telepono na umakyat sa transformer ng Meralco ang biktima at kailangan ng sasakyan ng bumbero upang maibaba ito.
Kaagad na dumating sa nasabing lugar ang mga kagawad ng BFP hanggang sa magkaroon ng isang oras na negosasyon sa pagitan ng nasawi sa pag-aakalang tatalon ito mula sa itaas ng transformer ng poste.
Nakumbinsi umano ang biktima na huwag nang ituloy ang tangkang pagpapakamatay, subalit habang pababa na ang nasawi ay aksidente nitong natapakan ang live wire hanggang sa mangisay ito at tuluyang bumagsak sa lupa.
Mabilis itong isinugod sa Dr. Jose Reyes Memorial Hospital subalit kaagad din itong namatay sanhi ng 3rd degree burn sa katawan.
Base sa salaysay ng ina ng biktima, dalawang araw umanong hindi umuwi sa kanilang bahay ang kanyang anak matapos itong sumali at matalo sa game show ni Edu Manzano na Weakest Link.
Nang umuwi ng ikatlong araw ay nagsimula na umanong magkulong sa kuwarto ang nasawi habang umiinom ito dahilan upang pagalitan ito ng kanyang ina na labis namang dinamdam ni Zapata, hanggang sa diretso itong umakyat ng bubungan ng kanilang bahay at nagmistulang spider-man na umakyat sa transformer ng poste ng Meralco.
Gayunman, huli na upang makaiwas pa ito sa tangkang pagpapatiwakal dahil natuluyan itong mamatay.(Gemma Amargo)