Sinabi ni Education Network (E-Net) secretary general Prof. Eric Torres na magiging pinakahuli at pinakadrastiko nilang hakbang ang pagsasampa ng kaso kay Roco kapag hindi nito pinakinggan ang hiling para sa 1-taong moratorium sa bagong curriculum.
Sa ilalim ng millennium curriculum, babawasan at magiging lima na lamang ang mga araling pag-aaralan sa mga paaralan. Ang mga ito ay English, Mathematics, Science, Filipino at ang bagong Makabayan.
Ayon kay Torres, pangulo rin ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) na hindi pa handa ang mga guro at wala pang mga training kung paano ituturo ng maayos ang bagong araling Makabayan at wala pa ring mga sapat na libro at teaching manuals ang kagawaran.
Kukuha rin ng suporta ang naturang grupo na binubuo ng 110 civil society at may 500,000 miyembro sa mga kaalyado nilang mga mambabatas sa Kongreso at Senado upang igiit sa DepEd ang pagpapatupad ng moratorium.
Malaking dahilan umano sa pagsasampa ng kaso ang kawalan ng konsultasyon ng ahensiya sa pagpapatupad ng bagong curriculum kung saan natapakan ang karapatan ng mga guro at mga magulang ng mga bata. (Ulat ni Danilo Garcia)