Pinagbabayad din ni Gensan RTC Judge Marivic Daray ng Branch 35 ng halagang P200,000 danyos si Ghozi.
Batay sa ipinalabas na desisyon ni Daray, nakasaad dito na ang pag-amin ni Ghozi na pag-aari niya ang mahigit isang toneladang pampasabog ay sapat na upang agad ibaba ang hatol.
Matatandaan na si Al-Ghozi na kasapi sa Indonesian-based na grupong Jamiyah Islamiyah ay hinuli noong Enero 15 sa Quiapo, Maynila habang patakas sa bansa patungong Bangkok, Thailand.
Sa interogasyon, inamin ni Ghozi na mayroon siyang itinatagong mga bomba sa tahanan ng pamilya Malagat sa Bgy. Labayan, General Santos City na siyang naging dahilan upang salakayin at arestuhin ang magkapatid na Mohaludin, Almoctar at Mohammad Malagat noong Enero 17.
Nasamsam sa naturang bahay ang isang toneladang bomba, 17 M-16 rifles at apat na rolyo ng detonating cord na gamit din sa paggawa ng bomba at kalibre .45 baril.
Base sa intelligence report, ang mga eksplosibo ay gagamitin umano ng teroristang grupong Al-Qaeda na kinaaniban nito sa pambobomba sa Western at Australian facilities sa Singapore at idadaan ang mga pampasabog sa Malaysia.
Sinampahan ng kasong illegal possession of firearms and exposives si Al-Ghozi at ang magkakapatid na Malagat, subalit mariing itinanggi ng magkakapatid na sa kanila ang nakumpiskang mga bomba.
Ang kaso laban sa mga Malagat ay kasalukuyan pa ring dinidinig sa korte.
Ayon kay Atty. Confesor Sansano, pinayuhan nitong mag-plead guilty si Al-Ghozi sa kasong illegal possession of explosives sa dahilang matapos umano nitong pag-aralan ang kaso nakita nitong mabigat ang ebidensiya at ginamit na lamang ang pag-amin bilang mitigating circumstances upang mapababaan ang sentensiya.
Ipinagpaliban naman ni Judge Daray ang pagdinig sa kasong illegal possession of firearms dahil sa nakabinbing motion for preliminary investigation ng abogado ni Al-Ghozi. (Ulat nina Doris Franche,Grace Amargo at Boyet Jubelag)