Tiglao, ikinasal na

Nasa "cloud 9" ngayon si Press Secretary at Presidential Spokesman Rigoberto Tiglao, ito’y sa dahilang ikinasal na siya sa kanyang nobyang si Getsy Celerio bago siya tumulak patungong Japan para mag-aral sa Kyoto University sa loob nang 3 buwan.

Ayon kay Tiglao, makakasama niya ang kanyang kabiyak sa Japan na magsisilbing researcher niya sa unibersidad.

Ayaw sanang ihayag ni Tiglao ang pagpapakasal nila ni Getsy, pero binuko siya ni Pangulong Arroyo sa mga mamamahayag.

"Alam ba ninyo, si Secretary Tiglao ay ikinasal na," kuwento ng Pangulo.

Sinabi ni Tiglao na pakakasal uli sila sa simbahan pagbalik sa bansa at ninang nila ang Pangulo.

Si Tiglao ay balo at may tatlong anak na ang pinakabata ay 22 anyos. Ang kanyang butihing asawa na si Raquel ay namatay sa cancer mahigit isang taon na ang nakalilipas.

Ang kanyang kabiyak na si Getsy ay editor ng INQ.7.net. (Ulat ni Lilia Tolentino)

Show comments