Sa kanilang inihaing House Resolution No. 491, sinabi ni Gonzales na dapat siyasating mabuti kung makatwiran ang hakbang ng Meralco na itaas ang power consumption nito base sa nagamit na kilowatt hours.
Ayon kay Gonzales, ang Meralco bilang isang business enterprise ay hindi dapat maningil ng sobra-sobra para lamang kumita ng malaki at pagdusahin at ipataw sa publiko ang mataas na singil para pagtakpan ang pagkakautang nito sa bangko.
Nabatid na binabalak ng Meralco na maningil nang hanggang 116 porsiyento o mula P.30 sentimos hanggang P3.97 per kilowatt hour.
Samantala, sumama na rin ang puwersa ng Meralco Employees and Workers Association (MEWA) sa mga militanteng grupo para kontrahin ang planong pagtataas ng singil sa kuryente ng Meralco.
Sinabi ni MEWA spokesperson Allan Eugenio na sasama ang kanilang grupo sa mga militanteng grupo sa pangunguna ng KMU at Bayan sa pagtungo sa gusali ng Energy Regulatory Commission (ERC) para igiit dito na huwag sundin ang petisyon ng Meralco.
Binigyang-diin din ni Eugenio na kung tahasang nais ni Pangulong Arroyo na maibsan ang hirap ng taumbayan, dapat nitong hadlangan ang posibleng pagpayag ng ERC na maipatupad ang power rate increase.
Sinabi pa ng naturang grupo na kung walang kapangyarihan ang Pangulo sa gawain ng ERC, dapat na lamang nitong kausapin ang Kongreso na pawalang-bisa ang Republic Act 9136 o ang Electric Industry Reform Act, ang batas na nagbibigay pahintulot sa mga power firm na magtaas ng singil sa kuryente sa oras na gustuhin nito. (Ulat nina Joy Cantos at Angie dela Cruz)