^

Bansa

Kano-Sayyaf nagbanatan na sa Basilan

-
Sumiklab na ang pinangangambahang pakikipagdigma ng tropang Kano laban sa mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) matapos na direktang makilahok ang mga ito kahapon sa kauna-unahang pagkakataon sa inilunsad na combat operations ng AFP laban sa grupo ni Sayyaf Kumander Bakal Hapilon.

Isang sundalong Filipino na kinilalang si Pfc. Claudio Obordo ang agarang nasawi at tatlo pa ang sugatan makaraang makasagupa ng mga miyembro ng 10th Infantry Batallion ng Philippine Army ang grupo nina Kumander Bakal noong Biyernes ng gabi sa Brgy. Busalan, Lantawan, Basilan.

Tumagal ng halos 20 minuto ang banatan na nagsimula bandang 10:30 kamakalawa ng gabi.

Si Bakal na kamag-anak ni Sayyaf leader Isnilun Hapilon ay namataang bitbit papatakas ang tatlong natitirang Dos Palmas hostages na sina Martin at Gracia Burnham at Pinay nurse na si Deborah Yap.

Agad namang nagbigay ng ayuda ang US Special Forces troops sa mga sundalong Pinoy sa pamamagitan ng pagpapadala ng dalawang Pave Hawk helicopters subalit hindi na naabutan ang mga bandido.

Ang Pave Hawk helicopters ay popular na version ng Blackhawk helicopters ng US Army na ipinagmamalaki ng US na kanila ring ginamit sa Vietnam War noong dekada 65 hanggang dekada 70s.

Gayunman, kahit hindi man naipamalas sa pagkakataong yaon ng US troops ang galing ng Pave Hawk helicopters sa paghabol sa mga bandido ay naipamalas naman ng mga ito ang kagalingan ng nasabing aircraft sa pagdala sa mga sugatang sundalo sa Southern Command military hospital upang isalba ang buhay ng mga ito.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagpamalas at nasubukan ang kagalingan ng mga Kano sa tunay na combat operations. Pinatunayan ng mga ito na hindi lamang sila mahusay sa pag-e-ehersisyo kundi sa tunay na hot pursuit at rescue operations gamit ang kanilang mga high-tech na mga sasakyang himpapawid at mga pasilidad.

Habang isinusulat ang balitang ito ay mahigpit ang ginagawang pagmamanman ng militar sa iba pang mga lugar sa Basilan na maaaring takbuhan ng mga bandido.

Nabatid na sa kabila ng naganap na engkuwentro ay tuloy pa rin ang aktibidad ng mga Kano sa Basilan na may kaugnayan sa Balikatan.

Kahapon ay namahagi ng mga damit at laruan ang mga Kano sa mga kabataan sa Basilan bilang bahagi ng kanilang mga programa.

Una ng inamin ni Southern Command Chief Roy Cimatu na nagkawatak-watak na ang mga grupo ng ASG at iniwanan ng mga ito ang kanilang mga armas sa kabundukan ng Basilan at nakihalo sa mga lokal na residente. (Ulat ni Rose Tamayo)

ABU SAYYAF GROUP

ANG PAVE HAWK

BASILAN

CLAUDIO OBORDO

DEBORAH YAP

DOS PALMAS

GRACIA BURNHAM

KANO

PAVE HAWK

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with