Government employees 1-linggo walang pasok

Pinahaba ni Pangulong Arroyo ang bakasyon ng mga empleyado ng gobyerno ngayong Semana Santa mula Marso 25 hanggang Marso 31 matapos nitong ideklara ang Marso 27, araw ng Miyerkules at Marso 30, bilang special non-working holiday sa buong bansa.

Sa Proklamasyon Bilang 164, nakasaad na ang Huwebes Santo na tumapat sa Marso 28 at Biyernes Santo na natapat sa Marso 29 ay dati nang deklaradong regular holiday bilang paggalang sa Semana Santa. Noong mga nakalipas na panahon ay idineklara na ring special holiday ang Sabado na nakaipit sa Biyernes Santo at Linggo ng Pagkabuhay.

Bagaman walang pasok ang mga kawani ng pamahalaan sa loob ng isang linggo, binigyan naman ng opsiyon ang mga pinuno ng ahensiya ng pamahalaan na magtalaga ng mga tauhan nitong maglilingkod sa mga tanggapan kung hinihingi ng pagkakataon.

Samantala, optional naman sa mga may-ari ng private companies maliban sa mga bangko at BIR na magsuspinde ng pasok sa Marso 25, 26 at 27.

Ang pagdedeklara ng Pangulo ng optional ay kasunod ng kahilingan ng Employers Confederation of the Philippines na iwasan muna ang pagdedeklara ng mahabang bakasyon na hindi makabubuti sa negosyo. (Ulat ni Lilia Tolentino)

Show comments