Higit-kumulang sa 100 mga empleyado ang muling nagsagawa ng picket sa harap ng gusali ng Office of the Secretary sa kanilang lunch break na sinundan ng noise barrage na magiging araw-araw na gawain na. Nagsasagawa na rin sila ng mga rounds sa mga kuwarto sa departamento upang manawagan para sa suporta sa kanilang mass action habang sumisigaw ng "Roco resign!"
Ayon kay Jose Cusi, pangulo ng DepEd Central Employees Union (DepEd-CEU), ang kanilang pagtungo sa Education Press Corps Press Office para sa kanilang protest action ay magiging isang pang-araw-araw na kaganapan sa departamento hanggat hindi nawawala si Roco sa DepEd.
Bukod sa umanoy "dictatorial" management style, inirereklamo rin nila ang umanoy paggasta ni Roco ng P217,292 sa paggamit ng chopper patungo sa school site sa Cabanatuan, Baguio, La Trinidad, Sagada at Nueva Vizcaya noong Oktubre 10 at 11.
Tinanggal na rin ni Roco ang service fee na komisyon ng mga empleyado sa transaksyong kanilang hinahawakan na kanilang iniaangal dahil sa malaking kawalan umano ng kanilang dagdag na kita dahil sa liit ng kanilang suweldo.
Sinabi pa ni Cusi na mangangalap sila ng pirma mula sa 1,400 na empleyado ng departamento upang idiin ang pagbibitiw ni Roco. (Ulat ni Danilo Garcia)