P4M pinsala sa Mindanao quake

Tinatayang umaabot nang P4.175 milyon halaga ng nasirang ari-arian ng malakas na lindol na sumalanta kamakalawa ng hapon sa Central Mindanao.

Sa pinakahuling ulat na nakalap sa National Disaster Coordinating Council, pinakamalaki ang pinsala sa private properties na nagkakahalaga ng P2.140 milyon habang P2 milyon naman sa infrastructure.

Samantala, hindi na nadagdagan ang bilang ng 12 namatay sa naturang lindol ngunit umakyat naman sa 21 ang bilang ng mga nasugatan.

Tatlumpu’t tatlo na rin ang naitatalang gumuhong kabahayan, habang 87 naman ang partially damaged; apat ang sirang road network; pito ang nasirang simbahan at pito rin sa mga tulay; 29 ang nasirang business establishments; 36 ang eskwelahang nawasak; 17 public buildings at isang palengke.

Nananatili namang suspendido ang lahat ng klase at trabaho sa Kiamba, Sarangani Province, ang pinakamatinding sinalanta ng killer quake.

Puspusan pa rin ang relief operations ng DSWD katuwang ang Red Cross at iba pang government agencies sa mga lugar na naapektuhan ng kalamidad. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments