Tinanggap ni Estrada ang puwersahang pagpapabitiw sa kanyang defense team sa paniwalang kailanman ay hindi nito makakamit ang parehas na paglilitis sa Sandiganbayan Special Division.
Ang desisyon ni Estrada ay inihayag ni Atty. Rene Saguisag, lead counsel ng depensa matapos makipag-usap ang mga abogado sa dating pangulo sa Veterans Memorial Medical Center.
Bukod kay Saguisag, kabilang din sa mga miyembro ng defense panel sina dating Justice Sec. Serafin Cuevas, Attys. Jose Flaminiano Sr.; Jose Flaminiano, Jr.; Felix Carao Jr.; Delia Hermosa; Pacifico Agabin; Raymond Fortun at Cleofe Villar-Verzola.
Ayon kay Saguisag, lubha umanong nawalan ng kumpiyansa ang dating pangulo na magkakaroon ng hustisya kaya nagdesisyon na lamang ito na tanggalin ang serbisyo ng kanyang mga abogado.
Labag umano sa kalooban ni Estrada ang ginawang pamimilit kahapon ng Special Division na dumalo ito sa pagbasa ng sakdal sa kasong illegal use of alias dahil wala pang desisyon ang Supreme Court kaugnay sa pagkuwestiyon ng depensa sa pagtatag ng Special Division.
Ikinatuwiran din ng depensa ang matinding pananakit ng tuhod ng dating pangulo na naging dahilan para maantala ng ilang oras ang isinasagawang arraignment.
Sa ginanap na arraignment kahapon, nag-init si Saguisag dahil kahit inabisuhan na umano ng depensa ang korte na hirap na ang kanilang kliyenteng kumilos bunga ng sakit nito sa tuhod, inutusan pa rin ng Sandiganbayan sina court sheriff Edd Urieta at ilang kawani ng PNP na siguruhing naroon si Estrada kahapon upang basahan ng panibagong kasong illegal use of alias.
Sa ikatlong pagkakataon ay hindi naghain ng plea si Estrada kaya napilitan ang korte na magpasok ng not guilty plea para sa kaso nitong illegal use of alias.
Kinuwestiyon din ng depensa ang pagtutuloy ng tatlong araw na paglilitis sa loob ng isang linggo simula Marso 18 na isasagawa tuwing araw ng Lunes, Miyerkules at Biyernes.
Sa panayam naman kay Estrada, sinabi nito na pinilit niyang tumupad at pasailalim sa kanyang mga abogado, pero ngayon pa lamang ay hindi na siya nakakakita ng katarungan.
Ang pinakamasakit ayon dito ay ang pagdawit sa kanyang panganay na anak na si Jinggoy na isinama bilang conspiracy sa kaso.
Kahapon pa lamang ay pormal nang inabisuhan ni Saguisag ang Special Division na siyay magwi-withdraw bilang abogado ni Estrada sa pinakahuling kasong isinampa rito dahil sa umanoy patuloy na panggigipit ng korte at hindi pantay na pagtrato sa kanilang kliyente.
"Wala na kaming makukuhang hustisya sa korteng ito," sabi ni Saguisag.
Matatandaang ipinahayag ng mga defense lawyers ni Estrada na hindi sila mag-aatubiling mag-withdraw bilang mga abogado niya sakaling ipilit ng Sandiganbayan Special Divison na dagdagan ang bilang ng araw ng paglilitis para sa mga kasong iniharap laban sa kanilang kliyente.
Ang kasong illegal use of alias ni Estrada ay nag-ugat sa maling paggamit nito ng alyas sa pamamagitan ng kontrobersiyal na Jose Velarde account.
Magugunitang ang Velarde account ay mayroong P3.2 bilyong halaga ng salapi sa Equitable-PCI Bank na ginamit umano ng dating pangulo upang itago ang kanyang lihim na yaman.
Tiniyak naman ni Atty. Renato Bocar, spokesman ng Special Division na matutuloy pa rin ang paglilitis kay Estrada sa kabila ng pagbibitiw ng kanyang mga tagapagtanggol.
Inaasahan na magiging abogado ni Estrada ang mga nasa Public Attorneys Office (PAO) na sina Attys. Joefferson Toribio, Melita Lauron at Silvestro Moseng. (Ulat ni Malou Rongalerios-Escudero)