Senado kay Sin, shut up!

Pinatitigil ng ilang lider ng Senado si Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin sa kadadaldal nito sa planong pagpapagamot ni dating pangulong Estrada sa US sa sakit nito sa tuhod.

Sa magkakahiwalay na panayam, nagkaisa sina Senate President Franklin Drilon, Senate President Pro-Tempore Manuel Villar at Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr. na hindi dapat binibigyan ng pressure ang Sandiganbayan sa magiging desisyon nito sa hiling ni Estrada na magpagamot sa Amerika dahil nakabibigat ito sa pasanin ng mga hukom.

Nanawagan si Drilon sa lahat ng sektor, pabor man o tumututol, sa pagpapagamot ni Estrada na itigil ang anumang komento o anumang pagsasalita kahit karapatan nila ito upang bigyang laya ang Sandiganbayan na magdesisyon.

Inihayag naman ni Villar na consistent talaga si Cardinal Sin sa pagbatikos o pagtira kay Estrada kaya nasabi niya ang panawagan na huwag uulitin ng ating kasaysayan na payagan ang mga pinatalsik na lider na makalabas ng bansa.

Tulad ni Drilon, ikinatuwiran ni Villar na kaya hindi siya lumagda sa resolusyon ay dahil ayaw niyang bigyan ng pressure ang Sandiganbayan hinggil sa naturang isyu.

Sinabi naman ni Pimentel na hindi dapat nagpapadala si Sin sa sariling damdamin nito dahil tututulan ng ilang lider pulitikong Kristiyano ang anumang pahayag nito.
Militanteng grupo inupakan si Sin
Inupakan kahapon ng mga militanteng grupo si Cardinal Sin kaugnay ng mga patutsada umano sa ilang sektor at hindi pagpapagamit ng EDSA Shrine sa ginanap na anibersaryo ng People Power revolution.

Binigyang-diin ng grupong Akbayan na mistulang inaalis na umano nito ang tunay na kahulugan ng EDSA Revolution.

Sinabi ni Joel Rocamora, pangulo ng grupong Akbayan, ang pagbabawal ng Kardinal na tunguhin nila ang EDSA Shrine para sa pagdiriwang sa isang makabuluhang pagkakataon ay nagpapakita ng pag-aalis sa mata ng publiko sa kahulugan ng EDSA Revolution sa bawat mamamayang Pilipino.

Kaugnay nito, kinondena rin ng samahan ang hindi pakikialam ni Pangulong Arroyo sa kagustuhan ni Sin gayundin nina dating Pangulong Aquino at Ramos na huwag nang matuntungan ng mga tao ang EDSA Shrine

Inulit ng Akbayan na ang EDSA Shrine ay hindi dapat ipagbawal na tunguhin ng mga tao para sa isang makabuluhang pangyayari dahil ang simbahang ito ay pagmamay-ari ng tao at hindi ni Sin. (Ulat nina Rudy Andal at Angie Dela Cruz)

Show comments