Kinilala ni Army Spokesman Lt. Col. Jose Mabanta ang mga nasagip na sina Latip Kasim, 22 at Danny Kasim, 24. Ang magkapatid ay nabawi ng mga operatiba ng Armys 55th Infantry Batallion sa ilalim ng pamumuno ni Col. Arnulfo Atendido sa Brgy. Upper Maligue, Isabela City bandang alas-7 ng umaga kahapon.
Nabatid na dinukot noong nakaraang Linggo nang may 30 bandido sa pamumuno ni ASG Commander Kalaw Kajalis sa Brgy. Kapayawan, Isabela ang magkapatid na Kasim kasama si Apsayrah, asawa ni Danny.
Makalipas ang ilang oras ay pinawalan din ang babae at binigyan ng hanggang alas-4 ng hapon ng Lunes para makalikom ng P100,000 ransom.
Napag-alaman na talagang tinarget na dukutin ang magkapatid mula sa grupo ng mga magsasaka matapos pagsuspetsahang military informant ang dalawa.
Hindi naman makumpirma ni Mabanta kung binayaran ng pamilya ng mga biktima ang hinihinging ransom demand ng mga bandido. Napilitan umano ang grupo ni Kajalis na abandonahin ang mga biktima matapos maramdaman ang presensiya ng mga tauhan ng militar na papalapit sa kanilang kinaroroonan.
Gayunman, malaki ang paniwala na military pressure ang naging dahilan ng pagkabawi sa mga bihag. (Ulat ni Joy Cantos)