Probers sa Cervantes murder binantaan

Pinagbabantaan ang hepe ng Investigaton Division ng Las Piñas City Police na isusunod umano siya kay Young Officers Union (YOU) spokesman Capt. Baron Cervantes kapag ipinagpatuloy nito ang pag-iimbestiga sa kaso ng pagpaslang dito, pagbubunyag kahapon ng isang opisyal sa Southern Police District (SPD) na tumangging magpabanggit ng pangalan.

Ayon sa source, madalas umano ngayong nakakatanggap ng pagbabanta sa pamamagitan ng tawag sa telepono mula sa isang misteryosong caller ang pamunuan ng Las Piñas Police na isusunod nilang itutumba si Supt. Artemio Pineda, hepe ng Station Investigation Division (SID), kapag nagpatuloy umano ito sa pag-iimbestiga sa kaso nang pagpatay sa nabanggit na YOU spokesperson.

May duda ang pulisya na ang mga tumatawag sa kanila ay nananakot lamang dahil ayaw nilang matukoy ang tunay na "utak" ng krimen.

Bagaman binalewala lamang umano ni Pineda ang mga death threats sa kanya, ipatutupad ng pamunuan ng Las Piñas police ang mahigpit na seguridad upang bantayan ang nasabing opisyal at pigilan ang anumang uri ng karahasan o krimen na posibleng ihasik ng ilang masasamang elemento. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments