Karahasan sa TV bawasan - Loren

Ipinalabas kahapon ni Senate Majority Leader Loren Legarda ang kanyang panawagang alisin sa telebisyon ang mga eksenang naglalarawan ng karahasan, laluna sa mga programang pambata.

Idiniin ni Senadora Legarda ang malawakang epekto ng telebisyon sa buhay ng mga bata at sa kamulatan ng buong bansa.

"Bago makatapos ng elementarya, nakakakita na kaagad ng humigit kumulang na mga 10,000 pangyayari ng karahasan sa telebisyon, kabilang na ang 8,000 pagpatay," ani Legarda.

Kapag nakatapos na ng high school ang isang bata, dumodoble na sa 20,000 mga pangyayaring karahasan ang napapanood nito, dagdag pa ni Legarda.

Pag-umabot na ang isang bata sa gulang na 30, sabi pa ni Senador Legarda, lumalagay sa apat hanggang limang taon sa kanyang buhay ang naigugugol niya sa panonood ng telebisyon.

Sa kanyang pagsusuri sa mga programa sa telebisyon tuwing Sabado ng umaga, napapatunayan niyang pangkaraniwan na lamang ang 26 insidente ng karahasan bawat oras ang mapapanood ng bata.

Dahil sa katotohanang ito, tinawagan ng senadora ang kanyang mga kasamahang mambabatas sa Senado na pondohan ang Children’s Television Act of 1997 upang maipatupad na agad.

Sa naturang batas, tinatadhana nito ang pagtatayo ng National Council of Children’s Television na siyang titiyak na malayo sa karahasan ang mapapanood ng kabataan sa bansa. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments