Ito ang anggulong lumitaw sa isinasagawang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) hinggil sa motibo ng pagpatay sa beteranang aktres na si Nida Blanca kasunod na rin ng serye ng isinagawang mainit na pagtatanong sa asawa nitong si Rod Lauren Strunk.
Ayon sa isang opisyal ng NBI na tumangging magpabanggit ng pangalan, inabot ng hanggang ala-una ng madaling araw o halos 13 oras ang ginawang interogasyon kay Strunk dahil sa dami ng dapat nitong sagutin.
Sa 88 katanungan na inihanda ng NBI, anim sa mga tanong ang hindi nito nasagot. Sa gitna ng mga pagtatanong ay dito nasilip ng NBI ang anggulong love triangle base na rin sa mga pahayag ni Strunk. Hindi naman nilinaw ng NBI source kung ang sinasabing "other person" ay kay Strunk o kay Blanca.
Matagal na umanong lumutang ang anggulong ito dahilan na rin sa balitang nagkakalabuan na ang mag-asawa.
Kamakalawa ng umaga nang dumating sa NBI si Strunk kasama ang kanyang dalawang abogado na sina Attys. Dennis Manalo at Noel Lazaro.
Ayon sa NBI, hindi nila itinuturing na suspek si Strunk sa Nida case, gayunman ay itinakda anumang araw simula ngayon ang pagsasailalim sa kanya sa lie detector test o polygraph test.
Kahapon ay dumulog din sa tanggapan ni NBI Director Reynaldo Wycoco ang mga kaanak ni Mike Martinez na isinangkot din sa krimen, na sinasabing dinukot ng mga tauhan ng Task Force Marsha.
Sa isang panayam, sinabi ni Bobby Martinez, 38, kapatid ni Mike at inang si Teresita, 62, na nangako na sa kanila si Wycoco na bubuo ang huli ng isang team na tututok sa kasong kidnapping kay Martinez.(Ulat ni Ellen Fernando)