Ayon kay House Speaker Jose de Venecia Jr., mahalagang malaman ang tunay na kapasyahan ng taumbayan dahil kabilang ito sa kanilang karapatan.
Sinabi pa ni de Venecia na itutuloy ang halalan sa barangay kung ito ang magiging desisyon ng mga mamamayan.
Hindi naman umano magiging suliranin ang pondo dahil nakapaglaan na ang Kongreso ng P900 milyon para sa nasabing election at nakapaloob ito sa P780.8 bilyong pondo para sa susunod na taon.
Sisiguraduhin din umano ng Kongreso na hindi makakalusot ang mga tiwaling opisyal ng barangay na makikinabang sakaling hindi matuloy ang halalan sa susunod na taon.
Nakatakda na umanong magpasa ang Kamara ng batas na magpapalakas sa recall election sa mga opisyal na hindi karapat-dapat manatili sa puwesto.
Magugunitang naunang napagkasunduan sa isinagawang pagpupulong ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) ang pagkansela sa halalan dahil na rin sa ibat ibang problemang kinakaharap ng bansa.
Hindi na umano dapat pang madagdagan ang tensiyong pampulitika sa bansa.
Hiniling naman ng ilang senador na ilaan na lamang ang P900 milyong pondo sa halalan sa PNP upang mapalakas ang kampanya laban sa kriminalidad. (Ulat ni Malou Rongalerios-Escudero)