Kasinungalingan ni Marcelo, gustong marinig ng Malacañang

Pabor si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na agad nang isagawa ang imbestigasyon ng senado upang dinggin ang testimonya ng negosyanteng si Pacifico Marcelo ng kontrobersiya sa telecommunications franchise.

Ito ang inihayag ni Presidential spokesman Rigoberto Tiglao upang pabulaanan ang alegasyon ng oposisyon na nakikipagsabwatan umano ang Malacañang kay Senador Joker Arroyo, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng pagkabalam ng pagdinig sa eskandalo at pagtestigo ni Marcelo.

Ayon kay Tiglao, gusto ring marinig ng Malacañang ang mga kasinungalingan ni Marcelo sa pagharap nito sa imbestigasyon ng senado.

Iginigiit ng Malacañang na isang kasinungalingan ang paratang ni Marcelo na humihingi ng 51 porsiyentong bahagi ang Pangulo sa itatayo nitong negosyo sa telekomunikasyon.

Sa kasalukuyan ay galit ang oposisyon kay Senador Arroyo dahil sa hindi pag-aksiyon ng kanyang komite sa testimonya ni Marcelo na direktang nag-aaakusa laban sa Pangulo. (Ulat Ely Saludar)

Show comments