Nabatid mula sa isang mapagkakatiwalaang source mula sa DoJ na napilitan ang prosecutors sa pangunguna nina State Prosecutor Emmanuel Velasco at Prosecuting Attorney Irwin Maraya na idismis ang kaso laban kay Strunk dahil sa ginawang pagbaligtad ng self-confessed killer na si Philip Medel.
Gayunman, nakasasalay na lamang ngayon sa lagda ni Chief State Prosecutor Jovencio Zuno kung kakatigan nito ang ginawang rekomendasyon nina Velasco.
Batay sa naunang mga desisyon ng Supreme Court (SC), ang isang testimonya na ginawa sa harap ng mga mamamahayag ay tinatanggap na ebidensiya sa korte.
Ngunit sa kabila nito, binanggit ng source na maaari pa rin namang isampa muli ang kaso laban kay Strunk kung may bagong ebidensiya na makikita ang National Bureau of Investigation (NBI).
Dahil hindi naman sumailalim sa arraignment si Strunk kaya wala umanong "double jeopardy" sa kaso at hindi magiging dahilan para pagbawalan ng DOJ na magsampa uli ng kaso laban kay Strunk.
Una nang sinabi ni Justice Secretary Hernando Perez na inatasan na niya si Zuno na kumuha pa ng karagdagang ebidensiya mula kay PNP-Criminal Investigation and Detection Group Chief Director Nestorio Gualberto. Ang mga bagong ebidensiya ay puwede pa ring pagbasehan ng DOJ na maaaring isulong laban kay Strunk.
Magugunita na biglang bumaligtad noong Biyernes si Medel sa nauna nitong testimonya kung saan sa harap ng media ay pinagsigawan nitong hindi niya kilala si Strunk at iginiit na siya ay dinukot at tinorture para aminin ang pagpatay sa beteranang aktres.
Sinabi ni Perez na naging defensive si Strunk at kumuha agad ito ng abogado upang siyang humarap sa mga taong nais siyang imbestigahan hinggil sa pagkamatay ng aktres.
"Nagulat lang ako noong ini-inform siya na patay na si Ms. Nida Blanca at sinabi sa kanya na kailangan niyang makipag-cooperate sa gagawing imbestigasyon, sinabi niya agad na ayaw niya munang magsalita at kailangan niya ng abogado, eh, wala naman kaming sinasabi na suspect na siya at that time, so nakakapagtaka lang," pahayag ni Perez.
Idineklara rin ni Perez na hindi pa isinasara ang imbestigasyon laban kay Strunk at sa kahit na sino pang suspect sa pagkamatay ni Blanca.
Hindi naman natuloy ang takdang lie at psychiatric tests ng NBI kay Medel at inuna ang neuro test dito na isang mandatory examination para mabatid kung nasa katinuan ito ng isip at nagsasabi ng totoo.
Patuloy rin iniimbestigahan ng NBI ang salaysay ng lumutang na bagong testigo na si T/Sgt. Meliton Viscaya, 50, dating miyembro ng Phil. Army kaugnay sa umanoy paglapit sa kanya ng dalawang tomboy para kontratahin siya upang patayin si Blanca kapalit ng halagang P100,000 bilang kabayaran.
Maliban sa pagkakasibak sa serbisyo, sasampahan rin ng kasong kriminal ang mga elemento ng Task Force Marsha sakaling mapatunayang umabuso ang mga ito sa tungkulin. (Ulat nina Grace Amargo, Joy Cantos at Ellen Fernando)