Army general sinampahan ng kaso sa Ombudsman

Ipinagharap kahapon ng kasong kriminal sa tanggapan ng Ombudsman ang isang heneral ng Philippine Army kasama ang tatlo katao pa dahil sa umano’y pagpasok sa maanomalyang kontrata na kung saan ay nalugi ng umaabot sa P100-milyon ang pamahalaan.

Mula sa 4-pahinang complaint affidavit na inihain kay Ombudsman Aniano Desierto ni Joseph Frianeza, inakusahan nito si Philippine Army commanding general, Lt. General Jaime delos Santos at Lionel W. Steele, Rosario ‘Cherry’ Ong at Jude Villanea ng Bairam Enterprises ng paglabag sa anti-graft and corrupt practices act nang lagdaan umano nito ang Support Supply Agreement sa pagitan ng AFP-Philippine Army at Alvis Logistics Limited na kinakatawan ng nabanggit na tatlong private individuals.

Nabatid na kinuha umano ng AFP ang serbisyo ng ALVIS para sa rehabilitasyon, pagkumpuni, reconditioning and supply ng mga kailangang spare parts, gamit at iba pang equipment para sa pagmamantine ng Scorpions Tanks.

Lumalabas na wala pa sa kalahati ng unit ng Scorpion Tanks ang nasa AFP’s Light Armored Brigade sa Camp O’Donnel Capas, Tarlac habang 2 Scorpions ay nasa kustodya ng Camp Aguinaldo.

May 116 items na kailangan sa Pounds Sterling sa ilalim ng naunang kontrata na dapat bayaran ng AFP ng halagang P201,440,262.00 para sa maintenance ng spare parts ng 17 unit, minor repair ng 3 units at major repair para sa 10 units.

Gayunman, nang buksan ng Bairam ang Letters of Credit nito sa pamamagitan ni Rosario Ong at Jude Villanea noong Marso 2001 ay natuklasang nabawasan o naging 61 items na lamang umano ang orihinal na 116 items na dapat ay isu-supply ng Bairam sa AFP sa dati pa rin nitong halaga.

Nakasaad pa din sa complaint na isang UK-based defense company, ang TFL Group of Companies sa pamamagitan ng local distributor nito sa Zyrmax ay lumiham kay Lt. Gen. delos Santos noong Hunyo 29, 2001 na nag-offer ding magbebenta ng 61 items.

Nang ikumpara, P105,866,880 lamang o mas mababa ng P95,572,290 ang presyo ng Zyrmax kaysa sa offered price ng Bairam na umaabot sa P201,440,262 milyon.

Binanggit din sa reklamo na maaari namang idaan sa public bidding ang pag-acquire ng AFP ng mga nasabing equipment at hindi sa pamamagitan ng isang negotiated contract.

Maaari ring mabili kahit saan ang J60 engines at iba pang spare parts na kailangan ng PA para sa Scorpion tanks tulad na lamang ng Zyrmax na nagbibigay ng mas mababang halaga.

Samantala, pinabulaanan naman ng Army ang naturang alegasyon. (Ulat ni Grace Amargo)

Show comments