Si Reina Malonzo, 23, nurse sa Jose Torres Memorial Hospital at kabilang sa apat na hospital staff na dinukot noong Hunyo 2 sa bayan ng Lamitan, ay nabawi ng tropa ng military habang naglalakad sa isang shopping mall sa Zamboanga City noong nakaraang Huwebes. Nakasuot ito ng Muslim dress at belo ng maispatan ng government agents.
Nang iharap sa media kahapon, tumanggi itong sabihin ang detalye ng kanyang pagkakalaya pero inamin na tumiwalag na siya sa kanyang pananampalataya sa Katoliko at sumali sa Islam dahil napag-isip umano niya na Islam ang pinakamagandang relihiyon.
Bagaman dumaranas ng "stockholm syndrome" ay itinanggi nitong nagpakasal siya sa lider ng grupo na si Khadaffy Janjalani.
Nauna nang napaulat na nagpakasal si Malonzo kay Janjalani habang ang isa pang kasamahan nitong hostage ay naging asawa naman umano ni Sayyaf spokesman Abu Sabaya.
Ayon naman kay AFP Southcom Chief Lt. Gen. Roy Cimatu, marami silang nakuhang impormasyon mula kay Malonzo hinggil sa ASG at malaki umano ang maitutulong nito para mapabilis ang pagtugis nila sa grupo ng mga bandido.
Sinabi rin ni Cimatu na batay sa testimonya ng nurse ay malaki ang ipinayat ng mag-asawang American missionary na sina Martin at Gracia Burnham na patuloy pa ring hawak ng ASG kasama ang pitong iba pa.
"Okay naman daw sila pero pumayat lang," ani Cimatu . (Ulat ni Joy Cantos)