Ang package na tumitimbang nang may isang kilo ay tinanggap ng Foreign Surface Mail Distribution Center bandang ala-una ng hapon mula sa di nagpakilalang sender.
Sa pag-aakalang bomba ang laman ng bagahe ay agad ipinagbigay-alam ng mga empleyado ang insidente kay Postal Intelligence director Tomas Baggay na siya namang nagpaabot ng impormasyon sa Western Police District Explosive and Ordnance Dvision.
Dinala ng bomb disposal team ang package sa isang open space ng FSMDC compound sa Port Area at binuksan.
Gayunman, nakahinga ng maluwag ang mga awtoridad ng matuklasang isang VHS tape, religious pamphlets at sulat para kay Sabaya ang laman ng kahon.
Nakasaad sa sulat na dapat nang magsisi si Sabaya dahil labag sa Islam ang ginagawa nitong paghahasik ng terorismo.
Ang VHS tape naman ay tumatalakay sa Protestant religious activities.
Napag-alaman na ang package ay classified bilang "surface mail" na ipinadala noong Sept. 7 sa pamamagitan ng sea freight na kalimitang tumatagal ng isang buwan bago makarating sa padadalhan.
Matatandaan na inilagay ang Philpost sa highest alert level dahil sa pangambang gamitin ito ng mga terorista upang maghasik ng lagim sa pamamagitan ng paglalagay ng bomba at iba pang elemento ng mga biological elements gaya ng anthrax. (Ulat nina Ellen Fernando at Andi Garcia)