Sinabi ni Angara na batay sa rekord ng Senado sa mga nakalipas na panahon, hindi kailanman ito naging partisan at palaging binibigyan nito ng puwang ang magkabilang panig upang mapalutang ang katotohanan.
Pinayuhan ni Angara si First Gentleman Arroyo na hindi ito dapat mangamba na kahit na siya ay nasa bakuran ng oposisyon, magiging parehas siya at nais lamang nilang alamin kung sino ang nagsasabi ng katotohanan na karapatan ng sambayanan na malaman.
Una rito, isinabit ni Senador Panfilo Lacson si First Gentleman Arroyo sa pakikialam sa paglalabas ng pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na nakalaan sa advertising ng promotion ng lotto ngunit ito ay nagamit umano sa political ads ng People Power Coalition (PPC) na manok ng administrasyon.
Apat sa mga kandidato nito sa hanay ng mga tumatakbong senador na sina Joker Arroyo, Juan Flavier, dating Bulacan Governor Obet Pagdanganan at dating Bohol Rep. Ernesto Herrera ang umanoy labis na nakinabang sa pondo.
"There will be no partisanship, no emotional outburst, no pre-judgment of the issues. I will come to the committee with an open mind, biased towards what is true," paglilinaw ni Angara. (Ulat ni Rudy Andal)