Sa pahayag ng isang nagpakilalang Rosario Afable ng Kalusugan Ng Masa, isang Health-based non-government organization, na walang karapatan ang programang Bubble Gang na babuyin ang isang information campaign na ang layunin ay magligtas ng buhay lalo na sa epidemyang hatid ng sakit na dengue.
Tinukoy ni Afable ang ginawang spoof ng isa sa aktor ng Bubble Gang na si Wendel Ramos noong nakaraang Biyernes nang i-spoof nito si Health Secretary Manuel Dayrit.
Sa bersyon ni Ramos ay sinabi nito na Ang Dengue ay nakamamatay, upang maiwasan ang Dengue, papasukin ang lahat ng lamok sa kulambo at saka lumabas
Binigyang diin ni Afable na ang TV campaign ay talagang iniukol ng DOH sa masa na siya rin namang tagasubaybay ng Bubble Gang upang mabigyang paliwanag ito sa lagim na dulot ng dengue at kung paano ito maiiwasan.
Nakatatakot isipin ang subliminal effect ng programang tulad ng Bubble Gang sa mga bata at gayundin sa masa na hindi nakababasa at nakasusulat dahil maaaring gawin nila o isipin na tama ang ini-spoof ng Bubble Gang, sabi pa ni Afable.
Dinagdag pa ni Afable na ang mga life-saving information campaign ng mga government agencies particular ng DOH ay dapat na ginagalang at hindi dapat na binabastos o ini-spoof. (Ulat ni Andi Garcia)