Pinapurihan ni Prof. Carol Almeda, tagapangulo ng ACT ang desisyon ni Ombudsman Aniano Desierto na pagmultahin si Gonzales ng tinatayang P175,000 o katumbas ng limang buwang sahod niya sa DECS na pumapatak na P35,000 kada buwan.
Bukod dito, pinatawan din sina dating Undersecretaries Bartolome Carale at Victor Andres Manhit ng multang katumbas ng anim na buwang suweldo nila noon sa DECS.
Mas matindi naman ang kaparusahan ni dating Undersecretary for Finance Antonio Valdes na nai-ban na sa muling panunungkulan sa gobyerno.
Itoy matapos na mapatunayan ni graft investigator Joselito Fungon na ito ang may kagagawan ng pagdeposito ng P20 milyon na donasyon ng Land Bank at itago ito sa kaalaman ng Commission on Audit. Dito kinuha ang pagbili ng mga luxury cars para sa gamit ni Gonzales at mga undersecretaries.
Unang pumutok ang isyu ng "luxury car scam" noong panahon ni Gonzales buhat sa pagsisiwalat ni dating Senador Juan Ponce Enrile ukol sa pagbili ng DECS ng mga luxury cars buhat sa donasyon ng Land Bank na para sana sa pagbili ng mga computers sa mga pampublikong paaralan at pag-upgrade sa sistema ng mga pagpapasuweldo sa mga guro.
Sinabi ni Almeda na patunay lamang ito na nagbabago na ngayon ang imahe ng DECS na dating nangunguna sa pinaka-corrupt na ahensiya ngunit ngayon ay kasalukuyang ikatlo na lamang. (Ulat ni Danilo Garcia)